159

Nov 29, 2017 @ 14:47
By

Saleslady, nag-shoplift ng paninda

Arestado ang isang saleslady matapos mahuling mag-uuwi sana ng mga panindang T-shirt kamakalawa ng gabi sa Center Mall, Greenhills Shopping Center, San Juan City.

Hindi inakala ni Cecille Kistadio y Miamen, 34-anyos, residente ng No. 44 18th Ave., Murphy, Cubao, Quezon City, na mabubuking siya nang manguha ng mga panindang T-shirts at blouse sa pinagtatrabahuhang Jewel’s Shoppe.

Batay sa report, pauwi na umano ang suspek bandang alas-10:52 kamakalawa ng gabi at obligado silang dumaan sa routine check-up na kung saan ay nahuli ng sekyu na si Bernie Guillermo ang mga dalang bag ni Kistadio.

Naghinala umano si Guillermo dahil sa dami ng bag ni Kistadio at doon na nakita ang mga assorted T-shirts at blouses na nakasilid sa plastic bag.

Agad na ipinaalam ni Guillermo sa management ng Jewel’s Shoppe ang pangungulimbat nito kung kaya dinala sa pulisya ang suspek at nagsampa ng kaso si Buboy Teehankee y Dy, 39, representative ng Jewel Corporations.

Umabot sa halagang P3,594 ang mga nakulimbat ni Kistadio at kasalukuyan nang nakakulong sa San Juan detention cell at nahaharap sa kasong qualified theft. (Vick Aquino)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?