By

Sales agent, kritikal sa riding in tandem

Sharing is caring!

Kritikal sa pagamutan ang isang sales agent matapos barilin ng riding in tandem makaraang holdapin nang maispatan na nag-deliver ng Procter & Gamble items sa isang tindahan sa San Juan City, kamakalawa.

Nakilala ang biktima na si Joemil Jaos y Ciervo, nasa hustong gulang at residente ng Manila City na nagtamo ng tama ng bala sa mukha at kasalukuyang naka-confine sa San Juan Medical Center.

Batay sa report, nag-deliver ang biktima sa isang suking tindahan sa San Gabriel St., sakop ng Barangay San Perfecto, San Juan City bandang alas-11:10 kamakalawa ng umaga nang maispatan ng riding in tandem na nagdala ng panindang produktong mga sabon na kung saan ay inakala ng mga hindi pa nakikilalang suspek na malakihan ang inorder at nakubra ng biktima.

Pabalik na umano ang biktima sa kanyang service company car na Nissan Urvan (MT-2154) nang harangin ng dalawang suspek lulan ng pulang motorsiklo at agad na inagaw ang kanyang dalang shoulder bag sabay baril sa biktima na tinamaan ng bala sa mukha.

Naglalaman lamang ng P400.00 cash at ilang personal na gamit ang inagaw na bag sa biktima.

“Posibleng inakala ng mga suspek na may dalang pera ang biktima dahil sa pangalan ng kumpanya at naka-kotse pa ito, sa kabila na sabon lang naman ang dineliver nito,” ayon sa saksi.

Agad na dinala ang biktima sa ospital habang natukoy naman ng isang testigo na si Ronnie Bulgan Jr. ang isa sa mga suspek batay sa ipinakitang wanted list ng pulisya na nakilalang si Marcelo Tampoco Onate Jr., may pending na warrant of arrest sa kasong robbery. (Vick Aquino)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?