76

Nov 25, 2021 @ 16:51
By

Salceda nanawagan sa BIR: Raid pa more

Nanawagan si House Committee on Ways and Means chairperson Joey Salceda sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na pag-ibayuhin ang operasyon nito laban sa iligal na kalakalan ng sigarilyo.

Pinuna ni Salceda ang pagkonti ng operasyon ng BIR laban sa smuggling ng tobacco product.

“Illicit trade will always be tempting due to high excise taxes. Enforcement is the only deterrent,” sabi ni Salceda.

Ipinunto ni Salceda na ang paglago ng kita ng BIR ay magiging mahalaga para sa susunod na administrasyon dahil nagsisimula pa lamang dumami ang may trabaho at hindi nanaisin ng mananalong pangulo na magpataw ng bagong buwis.

Sa pagdinig ng komite ni Salceda, sinabi ng BIR na nakapagsagawa ang Strike team nito ng limang raid ngayong taon na nagresulta sa pagkumpiska ng 2.4 milyong kaha ng sigarilyo at 115 cigarette making machine.

Mas konti umano ito kumpara sa 12 raid noong 2020, 11 raid noong 2019 at 14 na raid noong 2018.

Sinabi ni Salceda na pinaplano nito ang pagbuo ng isang technical working group o sub-committee na tututok sa iligal na bentahan ng sigarilyo at pag-abuso sa paggamit ng mga Customs bonded warehouse upang matakasan ang pagbabayad ng buwis.

“The policymaking work of the committee has been fruitful. We have completed the entire Comprehensive Tax Reform Program and also initiated our own smaller packages. But enforcement is just as crucial as new taxes,” dagdag pa ni Salceda.

Ang pagtakip umano sa butas ng pangongolekta ng buwis ang magdaragdag sa kinakailangang kita ng gobyerno.

Mula Enero hanggang Oktobre ngayong taon, sinabi ng BIR na nakakolekta ito ng kabuuang P185.7 bilyon mula sa industriya ng sigarilyo. Noong nakaraang taon ang kanilang nakolekta ay P190.3 bilyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?