39

May 5, 2021 @ 15:50
By

Salceda: Inflation mataas dahil sa kulang baboy, EO 128 pagbigyan

Matapos manatiling mataas ang inflation rate noong Abril dahil sa presyo ng karne ng baboy, nanawagan si House Committee on Ways and Means chairperson Joey Salceda na pagbigyan ang Executive Order (EO) 128.

Si Salceda ay mayroong alinlangan sa EO 128 na nagtataas sa minimum access volume (MAV) at nagbababa sa buwis na ipinapataw sa imported na karne ng baboy.

“But now that it is law, we must give it a chance to work,” sabi ni Salceda.

Malinaw umano na kulang ang suplay ng lokal na karne ng baboy at ang mabilis na solusyon upang mapataas ang suplay para bumaba ang presyo ay mag-angkat.

Bagama’t mayroon umanong mga solusyon upang mapataas ang lokal na produksyon ng baboy ay mangangailangan ito ng mahabang panahon.

“But long-run solutions take time. I have proposed measures to expand crop insurance for livestock, invest in biosafety facilities, and develop value chains for agriculture. But for now, immediate supply stabilization via a balance of imports and domestic supply management is the key,” paliwanag ni Salceda.

Suportado rin ni Salceda ang hakbang ng Department of Agriculture (DA) na bigyan ng freezer ang mga maliliit na grupo ng magbababoy at import player para makalahok ang mga ito sa pag-angkat ng karne.

“We must also have a mechanism to allow farmers’ cooperatives to import pork meat by consolidating smaller import orders,” sabi ni Salceda.

Kakailanganin din umanong proteksyunan ng DA ang mga natitirang baboy upang hindi na mahawa ng ASF ang mga ito.

Hindi na rin umano epektibo ang indibidwal na pag-aalaga ng baboy kaya dapat maiugnay ang mga ito sa mga kooperatiba na maaaring hingian ng tulong at makakasama sa pagpapatatag ng seguridad ng pagkain sa bansa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?