1,325

Nov 4, 2021 @ 16:44
By

Salceda: Bakanteng posisyon sa gobyerno punan para dumami may trabaho

Matapos maitala ang pinakamataas na bilang ng mga walang trabaho noong Setyembre, nagbigay ng mungkahi si House Committee on Ways and Means chairperson at Albay Rep. Joey Salceda upang mapataas ang employment rate sa bansa.

Ayon kay Salceda nakababahala ang mataas na bilang ng mga walang trabaho bagamat mapapansin na mayroong mga sektor na tumitibay na ang job situation.

Ang pagtaas umano ng bilang ng mga nababakunahan ay parang wala rin umanong epekto upang mapababa ang bilang ng mga walang trabaho.

Ang pinakamabilis umanong magagawa ay ang utusan ang mga ahensya ng gobyerno na punan ang mga bakanteng posisyon sa kani-kanilang tanggapan. Kailangan umano itong gawin ng mabilis para hindi maabutan ng election ban.

Kailangan din umanong mabawasan ang pangangailangan na magpatupad ng lockdown at malimitahan ang community transmission ng COVID-19 at maaaring ikonsidera ang pagbabakuna sa mga nagtatrabaho sa mga matataong lugar gaya ng palengke.

Sinabi ni Salceda na maaari ring magpalabas ng direktiba sa mga district engineering office upang siguruhin na matatapos ang mga infrastructure program ngayong taon.

Dapat din umanong tulungan ang business process outsourcing at mga katulad na sektor sa paghahanap ng kailangan nitong empleyado. Magagawa umano ito sa tulong ng local public employment and services offices at Technical Education and Skills Development Authority.

“These low-hanging fruits can all be picked by mere executive action,” sabi pa ni Salceda.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?