14
jv-ejercito-ginhawa-ng-bayan
By

‘Salamat ‘Nay, salamat ‘Tay’

Sharing is caring!

Gradweyt na kayo! Congratulations!

Ito ang ating sinserong pagbati sa mga estudyante na nagsipagtapos ngayong taon.

Ang diploma ay simbolo ng tagumpay ng pagsisikap, sakripisyo, katapusan ng pagpupuyat sa paggawa ng assignments, at iba pang mga hassle na pinagdadaanan habang nag-aaral.

At, siyempre, ang mga nagsipagtapos ay “gradweyt” na rin sa halos araw-araw na sermon ng kanilang mga magulang, lalo na ng mga Nanay, na “huwag kayong magbubulakbol dahil malaki na ang nagagastos namin sa pag-aaral n’yo!”

Kung noon ay naiinis kayo na naririnig ito, sigurado tayo tintawanan ninyo na lang ngayon ang ganitong “litanya” ni Nanay na kabisado n’yo na rin.

Pero aminin man o hindi, ang mga sermon na ‘yan ay mabisang gabay at paalala sa mga kabataan para pagbutihin ang kanilang pag-aaral. Tulad n’yo ngayon na natanggap n’yo na ang “Katibayan ng Pagtatapos.”

Kaya bago ang iba, bago ang lahat, marapat lamang na ang unang pasalamatan ng mga gradweyt ay ang kanilang mga magulang dahil sila talaga ang mga taong nagpursigi at nagsakripisyo.

Si Itay ang gumawa ng paraan para kumita at may pang-tuition fee ka. Si Nanay naman ang nagbadyet ng kinita ni Tatay para masiguro na may naitabing konti para may pambili ka naman ng school projects.

Kung nagsikap kayo sa pag-aaral, higit na nagsikap ang mga magulang ninyo para mapagtapos kayo ng pag-aaral; kung nagsakripisyo kayo, doble ang sakripisyo ng mga magulang n’yo; at kung masaya kayo sa inyong graduation day, mas umaapaw ang kaligayahan ng Nanay at Tatay n’yo.

Ngayong natanggap n’yo na ang diploma, ipadama n’yo naman sa kanila ang inyong taus-pusong pasasalamat at pagtanaw ng utang na loob.

Tatay din po tayo kaya alam natin na hindi na kailangan na bigyan n’yo pa sila ng materyal na bagay dahil simpleng “salamat po” ay sapat na para mabusog ang kanilang mga puso at maramdaman na sulit ang lahat ng kanilang ginawa.

Kung nahihiya kayong marinig ng iba, kahit ibulong n’yo na lang sa kanila: “Salamat ‘Nay, salamat ‘Tay.”

Congratulations uli sa mga gradweyt!

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?