35
views

By

Salamat at mayroon na tayong Mental Health Law

Sharing is caring!

NATUTUWA po tayo at mayroon nang Mental Health Law dahil pinirmahan na ni Presidente Duterte ang Republic Act 11036 kamakailan lang.

Binabati natin ang ating masipag na kasamahan na si Senadora Risa Hontiveros na siyang pangunahing author at sponsor ng batas.

Katuwang din tayo ni Senadora Risa dahil tayo po bilang chairman ng Senate Committee on Health and Demography ang nagbusisi noong panukala pa lang ito sa Senado.

Pinangunahan din natin ang Senate contingent sa bicameral conference committee na nagtugma sa mga magkakasalising probisyon sa version ng Senado at version ng House of Representatives.

Para talagang itinakda ang pagpirma ng Pangulo sa Mental Health Law sa panahon ngayon na marami ang nagsu-suicide na mga kilalang personalidad dahil sa depression.

Dito mismo sa ating bansa ay may mga kaso ng depression at suicide na millenials pa iyung iba, pero karamihan ay inililihim dahil ayaw ng mga kaanak na isiping baliw at pagtawanan lang ang nagpakamatay.

Ngayong may Mental Health Law na, may malapit na agad matatakbuhan ang mga mentally-disturbed dahil magtatayo ng mga community-based mental health care facility sa buong bansa. Sa ganitong paraan, maiiwasang mauwi sa pagpapakamatay ang mga taong may matinding depression kung agad silang pupunta sa mga pasilidad na ito.

Bukod dito, maglalagay din ng 24/7 hotlines na puwedeng tawagan hinggil sa ganitong problema.

Sa isang pag-aaral, mayroon umanong 3.29 milyung tao sa Pilipinas ang nabubuhay nang may depression at 3.07 milyung iba pa ang may anxiety.

Ayon naman sa DOH, isa sa bawat 5 Pilipino ay may mental illness tulad ng schizophrenia, depression, at anxiety.

Sa kasalukuyan, ang tanging pampublikong mental health hospitals ay ang National Center for Mental Health na may 4,200 bed capacity at ang Mariveles Mental Hospital na mayroon lamang 500 bed capacity.

Ang nakakalungkot pa, 7 percent lamang o 47 government-owned hospitals lang ang may psychiatric unit/ward.

Sa Mental Health Law, lalawak ang mga pasilidad at madadagdagan ang mga expert na tututok sa mga kababayan nating may mental condition.

Ilan lamang ito sa magagandang probisyon ng Mental Health Law, pero sa totoo lang, kailangan ang ating pang-unawa at malasakit na magbigay ng malakas na support system sa mga may mental illness.

Dapat mamulat na tayo at tanggapin na ang mental problem ay isang sakit na magagamot at hindi dapat pagtawanan.

Iparamdam natin sa kanila na mayroon silang pamilya at kaibigan na tutulong malunasan ang kanilang karamdaman.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?