53

Dec 18, 2017 @ 10:35

Sakto sa Pasko!

By Strike Revilla

Matagal-tagal na nating naririnig mula sa gobyerno ang kaha­lagahan ng pagpasok ng puhunan mula sa ibang bansa o foreign investments.

Isa sa mga basehan ng mga foreign investor ay ang Fitch Ratings na itinayo noong 1914. Ang Fitch ay isang international credit rating agency na kinikilala ng mga mamumuhunan at industriya sa aspetong kung saan sila magla­lagak ng puhunan.

Isang maagang pamasko ang pag-upgrade ng Fitch kamakailan sa sovereign rating ng Pilipinas sa BBB mula sa BBB-. Na­ging kahanay ng bansa ang Italy sa grado ng Fitch at mas mataas tayo sa Indonesia.

Isang dahilan sa pagbibigay ng mas mataas na marka sa bansa ang pagpalo sa 6.9% ng ating Gross Domestic Product (GDP) nitong third quarter. Kasama rin ang naging pa­borableng sentimyento ng mga investor at ang repormang pang-ekonomiya ng gobyerno, lalo na ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN).

Aprubado na ang TRAIN ng dalawang kapulungan ng Kongreso at nakatakdang pirmahan ito ng Pa­ngulo bukas. Tatapyasin nito ang income tax ng pitong milyong manggagawa at empleyado kaya magkakaroon sila ng karagdagang panggastos. Kasabay naman nito ang pagpapataas ng koleksiyon ng pamahalaan. Dahil sa TRAIN, maaaring tumaas ang ating GDP ng hanggang 1% sa susunod na taon.

Inaasahan natin ang pagpasok pa ng mga negosyo at bagong kapital dito sa atin na makalilikha ng maraming trabaho. Ang mataas na rating ay nangangahulugan din ng mababang interes sa pautang ng bangko. Bukod sa perang malilikom mula sa TRAIN, makaaasa sa mga bangko na hindi mabibitin ang ‘Build, Build, Build’ Program ng administrasyon.

Ang ‘Build, Build, Build’ ay isang komprehensibong programang pang-impraestruktura simula 2018 na naglalayong mapaangat ang kalidad ng pamumuhay ng mga Pilipino. Ilan dito ang mga pagtatatag at pagtatayo ng mga impraestruktura sa transportasyon, information and communications technology, flood control management, at iba pa.

Ang BBB rating mula sa Fitch ay hindi simpleng grado lang, ma­raramdaman ito hanggang ibaba.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?