123

Sep 8, 2021 @ 20:25
By

Sakit ng ulo lang: Bong Go tinanggihan pagka-pangulo

Tinanggihan ni Senador Bong Go ang nominasyon sa kanya ng PDP-Laban sa pagka-pangulo sa 2022 elections dahil aniya’y sakit ng ulo ang aabutin ng susunod na presidente.

“Inuulit ko, hindi po ako interesadong tumakbo sa pagka-pangulo sa darating na halalan. Nakatutok po ang buong puso at isipan ko sa pagseserbisyo sa aking kapwa at wala po akong hangarin na makipagkumpitensya sa pinakamataas na posisyon sa bansa,” pahayag niya sa isang video message.

Sa kabila nito ay pinasalamatan niya ang nominasyon ng PDP-Laban faction na pinamumunuan ni Energy Sec. Alfonso Cusi at nagpahayag ng kahandaang tumulong sa susunod na magiging presidente ng bansa.

“Unahin ninyo na lang po ang may gusto. Ang importante ay hanapan natin ng katimbang si Pangulong Duterte upang maipagpatuloy ang pagbabago. ‘Yun ang continuity na inaasam natin,” aniya.

“Dahil sa mga pagsubok na hinaharap natin ngayon, sakit sa ulo ang aabutin ng susunod na presidente. Kaya tutulong na lang ako sa kanya,” patuloy niya.

Samantala, tinanggap naman ni Pangulong Duterte ang nominasyon sa kanya ng partido bilang vice presidential bet.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?