296

Jul 25, 2018 @ 13:52
By

Sahod sa private, nalampasan na ng public schools – Briones

Naungusan na ng mga pampublikong guro ang sahod ng mga gurong nagtuturo sa mga pribadong paaralan sa bansa.

Ibinunyag ni Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones na maraming guro mula sa mga pribadong paaralan ang lumipat na sa mga pampublikong paaralan dahil sa isyu ng sahod.

Sinabi ni Briones sa press briefing sa Malacañang na mas mataas na kasi ang sahod ng mga public school teacher kumpara sa mga nagtuturo sa private schools.

Ayon kay Briones, nasa P6,000-9,000 ang alok na starting fee sa mga pribadong paaralan habang P21,000 ang starting salary na tinatanggap ng mga bagong guro sa mga pampublikong paaralan.

Malaki aniya ang diperensiya kaya maraming mga nasa pribadong paaralan ang lumilipat na sa mga paaralan ng gobyerno.

Aminado si Briones na kulang pa rin ng mga pampublikong guro ang DepEd dahil sa kabila ng maraming nagtapos sa edukasyon ay hindi pumasa ang mga ito sa board examination na isa sa kuwalipikasyon para makapagturo sa mga pampublikong paaralan.

Wala aniyang ganitong requirement ang karamihan sa mga private school kaya kahit mababa ang sahod ay pinapatos ng mga ito para lamang magkaroon ng trabaho.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?