326

Oct 25, 2017 @ 17:12

SAF troopers na sumabak sa Marawi, na-promote

Ginantimpalaan ng Philippine National Police (PNP) ang kagitingan at katapangan ang 496 opisyal at tauhan ng PNP Special Action Force (SAF) na lumaban sa Marawi City kasama ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Sa idinaos na heroes’ welcome para sa SAF commandos sa Camp Bagong Diwa sa Taguig, inianunsyo ni PNP Dir. Gen. Ronald Bato dela Rosa ang pabibigay ng isang ranggong promosyon sa mga ito maliban sa limang may ranggong superintendent alinsunod sa panuntunan.

Ginawaran ng Medalya ng Sugatang Magiting ang 60 at lahat ng iba pa ay binigyan ng Medalya ng Kadakilaan.

Ihahayag naman sa mga susunod na araw ang parangal para sa apat nilang kasamahan na nasawi na sina PO3 Alexis Mangaldan, PO1 Moises Kimayong Jr., PO2 Alexis Laurente at PO2 Daniel Tegwa.

Ayon kay Dela Rosa, pinabigyan din nya ng isang buwang bakasyon ang mga SAF commando matapos bigyan ng garantiya ng pamunuan ng SAF na may sapat itong tauhan na maipakakalat para sa idaraos na Association of South East Asian Nations (ASEAN) sa Nobyembre.

Sa talumpati sa gitna ng heroes’ welcome, umiyak si Dela Rosa nung sabihin niyang inalala nya ang kalagayan ng SAF troopers at ang damdamin ng kanilang pamilya.

Tatlong beses raw niyang tinangka na puntahan ang SAF troopers sa limang buwan nilang pakikipagbakbakan pero hindi niya nalapitan dahil sumabak ang mga ito sa main battle area sa Marawi City.

Sinabi naman ni P/Supt. Rex Malimban, commander ng SAF contingent sa Marawi, masaya silang nakauwi nang buhay, may parangal pa at bakasyon pero may kasamang lungkot dahil sa sinapit ng Marawi at dahil naghiwa-hiwalay na sila ng mga kapwa SAF troopers at ng mga sundalo na kanilang nakasama sa panganib sa loob ng limang buwan. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?