53

Dec 28, 2017 @ 15:43

Sacramento Kings, binaon sa ika-2 semplang ang Cavs

Nagtala ng season-high 24 puntos si Vince Carter sa Sacramento Kings para ibaon sa dalawang sunod na semplang ang Cleveland Cavaliers, 109-95, nitong Miyerkules (Huwebes, Manila time).

Missing in action si Carter sa nakaraang tatlong laro ng Kings dahil sa rib injury at sa desisyon na rin ng coach.

At sa pagbabalik ng 40-anyos na dating hari ng dunk, binigyan niya ng problema ang Cleveland sa pag-shoot ng 10 sa loob lang ng 30-minuto.

Rumesponde rin sina Willie Cauley-Stein ng 17 points at siyam na rebounds para sa Sacramento habang may dagdag na 16 points at walong assists si Bogdan Bogdanovic.

Galing lang sa talo sa Golden State ang Cavaliers, 99-92, noong Pasko na nagputol sa win streak nila.

Aminado si LeBron James, na may 16 points at 10 rebounds lang, na maganda ang nilaro ni Carter.

Nakapagbato ng buzzer-beating 3-pointer si Carter kaya abante ang Sacramento, 85-80, sa pagpasok ng fourth quarter.

Kumonekta ulit siya at naging 101-87 ang iskoring sa 5:38 nalalabi sa orasan.

Standing ovation din ang 16-foot double-pump shot niya kay Jae Crowder sa 20.1 segundo ng laro.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?