83

Mar 14, 2021 @ 15:15
By

Sa unang anibersaryo ng lockdown Duterte gov’t may natutunan ba?

Isang taon mula ng ipatupad ang lockdown para mapigilan ang pagdami ng COVID-19 sa bansa, para umanong walang natutunan ang administrasyong Duterte sa mga nangyari.

Ayon kay House Deputy Minority Leader at Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate “isang taon ng kapalpakan at militaristang pagsugpo sa pandemya” ang ipinakita ng gobyerno.

Hanggang ngayon ay wala pa rin umanong mass testing, pro-active at aggressive contact tracing, mabagal ang pagbabakuna at kulang o wala pa ring natatanggap na ayuda ang mahihirap.

“Kaya parang nasayang lang ang sakripisyo ng mamamayan sa lockdown. Parang di natuto sa isang taong nagdaan,” ani Zarate.

Iginiit rin ng solon ang pangangailangan na mga doktor at eksperto ang ilagay sa mga posisyon na may kaugnayan sa paglaban sa COVID-19 at hindi mga dating heneral.

Sinabi naman ni Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite na hindi ang pagsunod ng publiko sa mga health protocol ang dapat na sisihin ng gobyerno sa pagtaas ng bilang ng mga nahawa ng COVID-19.

“… the public can only do so much to curb the spread of the virus, the government has to perform it’s obligations better, it has do respond better to the health crisis. Kaso itong gobyerno ang pasaway eh,” ani Gaite.

Dagdag pa ni Gaite: “Mula simula pa pasaway na itong gobyerno, pasaway sa usapin ng pag-impose ng travel ban sa China flights nung Enero last year, pasaway sa usapin ng mass testing, pasaway sa usapin ng contact tracing, pasaway sa usapin ng vaccine procurement. In fact, ang mga opisyal ng pamahalaang ito ang numero uno ring pasaway sa pagsunod sa health protocols, kung kaya’t si Gen. Debold “Mañanita” Sinas ay nahawa at maaring nanghawa din.”

Sinabi ni Gaite nadagdagan pa ang pagiging pasaway ni Sinas ng pumunta ito sa Oriental Mindoro sakay ng helicopter at hindi dumaan sa ipinatutupad na health protocol.

Ayon sa Philippine National Police nagpositibo si Sinas sa COVID-19.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?