697

Sep 6, 2019 @ 18:19
By

Madumi, mga residente kinakati! Prime Water ni Villar, binansagang Crime Water

Umaray ang ilang residente ng isang subdivision sa Malolos, Bulacan dahil bukod sa mahina ang tulo ng tubig ay madalas pang marumi ang suplay sa kanilang kabahayan.

Ayon sa concerned citizen sa Rufina Subdivision, Barangay Bagong Bayan, Malolos, Bulacan, halos isang taon na nilang tinitiis ang maruming tubig mula sa water concessionaire na Prime Water na pagmamay-ari ni Manny Villar.

Anila, nireklamo na umano nila ang tubig na base sa video na ipinadala ay kulay itim at brown na ang lumalabas sa pamunuan ng Prime Water.

Ngunit imbes na mapabuti ang flushing na ginawa ng mga tauhan ng kompanya ay tila mas naging grabe pa umano ang problema nila sa tubig.

Ilang residente na rin umano sa lugar ang nagkakaroon ng pantal sa katawan, ang iba ay nangangati na dahil sa dumi ng tubig sa kanilang lugar.

Ayon kay Ruby Santiago, treasurer ng homeowner’s association sa nasabing lugar, kanila na umanong kinalampag ang Prime Water sa nararanasang unos sa tubig.

Matapos ma-report ay may pumunta sa kanilang lugar para imbestigahan ang pangyayari, sinabi na sanhi daw ito ng mataas na chlorine sa tangke ng subdivision.

Ngunit kahit nalaman na umano ng Prime Water ang problema ay hindi pa rin nila ito inaaksyunan.

Hindi ito ang kauna-unahang napuna ang Prime Water dahil sa maruming tubig.

Una nang naulat sa Commission on Audit report na sa Guagua, Pampanga ay mataas sa normal na lebel ang arsenic sa tubig ng kompanya ni Villar.

Ayon sa 2018 annual audit report, isinailalim ng COA sa physical at chemical analysis ang walo sa 13 pumping stations ng Guagua Water District (GWD) at lumabas dito na ang kalidad ng tubig ay lagpas sa “maximum allowable limit for Arsenic content prescribed by Philippine National Standard for Drinking Water”.

Ang Arsenic ay nakakasama sa katawan ng tao lalo na kung mataas dahil makapagdudulot ito ng iba’t ibang sakit.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?