45

Oct 17, 2017 @ 18:28

AFP handa na sa resbak ng Maute supporters

Itinaas na ang alerto ng Eastern Mindanao Command (EMC).

Ito ay bilang paghahanda sa posibleng paghihiganti ng Maute ISIS sympathizers matapos ang pagkakapatay sa dalawang lider ng mga terorista na sina Isnilon Hapilon at Omar Maute.

Iniutos mismo ni EMC commander Lt. Gen. Rey Leonardo Guerrero ang pagpapalabas ng direktiba na layong mas mapaigting ang security operations sa area of responsibility ng EMC.

Pinapatutukan ni Gen. Guerrero ang border security ng silangang bahagi ng Mindanao para mapigilan ang pagpasok at paglabas ng mga terorista sa tinaguriang backdoor ng bansa.

Kaugnay nito, pinagana na rin ang Inter-Agency Border Security Coordinating Council sa Region 11 na itinatag sa pamamagitan ng Memorandum of Understanding na nilagdaan ng member agencies noong Setyembre 15, 2017 sa Naval Station Felix Apolinario Panacan sa Davao City.

Nagbigay naman ng paalala ang heneral sa publiko na laging maging mapagmasid at agad na i-report sa mga awtoridad ang mga kahina-hinalang aktibidad sa kanilang lugar. (Red Fortaleza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?