98

Jul 30, 2018 @ 11:05
By

Sa pagpatay sa PDEA agent: Drug lords, binalaan ni Aquino

Kinondena ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino ang pagpatay sa isa nilang ahente na tinambangan ng mga hindi pa nakikilalang mga armadong kalalakihan sa Cebu City, kasabay ng babala sa mga drug lords na kanila pa ring ipagpapatuloy ang pagtugis sa mga ito at pananagutin.

Ayon kay Aquino, pinagbabaril hanggang sa mapatay ng ‘motorcycle riding gunmen’ ang isa niyang tauhan na si Investigation Agent III Earl “Baby” Rallos, 48-anyos, habang pauwi na ito sa kanilang tahanan sa Labangon, Cebu City.

Si Rallos ay pinagbabaril hanggang sa mapatay sa Villalon Street, Barangay Capitol Site, Cebu City, nitong Huwebes ng hapon.

“We strongly condemn this cowardly action against PDEA agents who have been diligently working against the illegal drug operators. We will make sure that his death will not pass without worth as we will continue our fight against the illegal drugs industry,” giit ni Aquino.

BInigyang diin ng PDEA chief na bibigyan nila ng hustisya ang pagpatay kay Rallos at sisiguruhing mananagot ang mga nasa likod sa pananambang sa kaniyang tauhan.

Kasabay nito, binalaan ni Aquino ang mga drug lords na nagpa-planong sila ay saktan o kaya ay ipa-trabaho sa mga ‘hired killers’ na hindi sila matatakot at mas lalo pa nilang paiigtingin at palalakasin ang kanilang kampanya laban sa iligal na droga.

Aniya, hindi sila titigil sa kanilang kampanya hanggat hindi nauubos ang mga sindikato ng iligal na droga, at kanilang huhulihin maging ito man ay kilala o aktibo sa larangan ng politika.

“For those who seek to harm us, we vow that for every life you take, we will grow stronger by ten folds. We will not rest until this is over and we will not be threatened by your criminal acts,” pahayag ni Aquino sa panayam.

Magugunitang noong 2013, ang PDEA Information Officer na si Jesus “Jessie” Tabanao ay pinagbabaril din hanggang sa mapatay habang nagmamaneho ng kaniyang sasakyan sa Cebu City. ()

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?