71

Oct 25, 2017 @ 16:06

Sa kabila ng alyansa sa Russia, ‘Pinas nananatiling independent

Pinatutunayan lamang ni Pangulong Rodrigo Duterte sa buong mundo na hindi nakatali ang Pilipinas sa alinmang maituturing na higanteng bansa sa daigdig.

Ito ang tinuran ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano matapos ang ginanap na turnover ceremony kaugnay sa donasyong mga armas, bala at military trucks ng Russia sa Pilipinas sa Pier 15, Manila South Harbor kaninang tanghali.

Nanindigan si Cayetano na nananatiling indipendiyente ang Pilipinas sa gitna ng pinalalakas na alyansa o pagkakaroon ng bilateral relasyon sa Russia.

Samantala, sina Defense Undersecretary Raymundo Elepante ng Pilipinas at Major General Aleksandr Kshimovksiy ng main department for international military cooperation ng Russian Ministry of Defense ang lumagda sa certificate of donation na sinaksihan nina Pangulong Duterte, Defense Secretary Delfin Lorenzana at Russian Defense Minister Sergei Shoigu sa Port of Manila kung saan nakahimpil ang warship na Admiral Panteleev ng Russia.

Pasado alas-nuwebe kaninang umaga nang dumating ang convoy ng Pangulo sa Port of Manila kung saan sinalubong siya ng mga matataas na opisyal ng Russia.

Matapos ang arrival honors sa Pangulo ay inilibot siya ng mga Russian official sa loob ng malaking anti-submarine ship na Admiral Pantaleev upang inspeksiyunin ang air defense system at ang wardroom ng barko.

Ipinakita rin sa Pangulo ang mga kargang armas at habang nililibot niya ang loob ng bapor ay nagsagawa ng artillery demonstration.

Una rito ay lumagda sa kasunduan sina Lorenzana at Shoigu para sa military and technical cooperation na isinagawa sa Clark, Pampanga kung saan nagkaroon din ng dialogue ang defense ministers para sa ika-4 na ASEAN Defense Ministers. (Ricklove Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?