52

Nov 4, 2017 @ 12:20

Sa iskor ng PH sa World Bank survey, DTI dumepensa

Dumepensa ang Department of Trade and Industry (DTI) sa pagbagsak sa puwesto ng Pilipinas sa isinagawang survey ng World Bank (WB) kaugnay sa pagnenegosyo sa bansa.

Ayon sa pahayag ng DTI, maaaring hindi pa nararamdaman ng mga negosyante ang mga reporma sa pagnenegosyo na ipinatutupad ng administrasyong Duterte at ito ang naging basehan ng inilabas na Ease of Doing Business Report ng WB noong Lunes.

Base sa resulta, bagama’t nagbago sa 58.74 mula sa 58.32 noong nakaraang taon ang iskor ng Pilipinas, bumagsak naman ng 14 puwesto ang bansa na pagpapakita na mas gumanda ang ekonomiya ng ibang bansa.

Noong 2016 ay nasa ika-99 puwesto ang Pilipinas at ngayong taon ay pang-113 na.

Ilan lang sa naipunto sa survey na dapat magbago ay ang pagsisimula mismo sa negosyo, pagkuha ng permits, kuryente, proteksyon sa mga investors, pagpaparehistro ng ari-arian at pag-utang.

Pag-amin ng DTI, marami pa ang dapat baguhin sa usapin ng pagnenegosyo ng bansa ngunit ayon sa kagawaran, dapat ding kumilos ang ibang ahensya ng gobyerno lalo na ang Kongreso para ipasa ang Corporation Code at Expanded Anti-Red Tape Act. (Pinggoy Romero)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?