71

Oct 19, 2017 @ 17:09

Sa hiling na pagbasura sa mga kaso: Faeldon, supalpal sa DOJ

Bigo si dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon na maipabasura ang mga kaso sa Department of Justice (DOJ) matapos igiit ng huli na mayroon silang hurisdiksyon na dinggin ang mga akusasyong isinampa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) laban sa dating opisyal kaugnay sa P6.4 bilyong shabu shipment.

Sa isang resolusyon na isinapubliko kahapon ng DOJ, sinabi nina Assistant State Prosecutors Aristotle Reyes at Roldan Parrocha na sakop pa rin ng kanilang hurisdiksyon ang mga kasong kinasasangkutan ng mga taga-gobyerno na tumatanggap ng salary grade 27 pataas.

Nauna nang sinabi ni Faeldon na ang Office of the Ombudsman ang dapat humawak sa kanyang kaso dahil dati siyang pinuno ng Bureau of Customs (BOC) na mayroong salary grade 30.

Gayunman, kinontra ito ng prosecutors at ipinaliwanag na may mga probisyon din sa RA No. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) na nagtatakda sa hurisdiksyon ng mababang hukuman na duminig sa kaso ng mga empleyado at opisyal ng pamahalaan kahit ano pa ang kanilang posisyon.

“The resolution said that Section 27 of the law, which mentions ‘public officer or employee’ does not make distinction of the salary grade, while Section 28 imposes maximum penalty to those government officials and employees found guilty,” dagdag nina Reyes at Parrocha.

Wala rin anilang nakasaad sa batas na sa Sandiganbayan lang dapat kinakasuhan ang mga opisyal ng gobyerno. Ang malinaw umanong nakatadhana ay ang pagpapataw ng maximum penalty sa mga ito kapag napatunayang guilty sa mga akusasyon laban sa kanila.

Ginamit ding batayan ng DOJ ang pag-ayon ng Supreme Court (SC) sa pagkakaroon ng hurisdiksyon ng Muntinlupa City Regional Trial Court para hawakan ang mga kaso ni Sen. Leila de Lima sa iligal na droga.

Kabilang si Faeldon sa mga kinasuhan ng PDEA sa DOJ kasunod ng pagkakasalakay sa isang warehouse sa Valenzuela City at pagkakatuklas sa P6.4 bilyong shabu shipment mula sa China noong Mayo. (Ma. Isabel Billones)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?