24

Jun 24, 2022 @ 15:57
By

Sa halip tanggalin K-12 program, pagbutihin – advocacy group

Nagbigay ng suhestiyon ang isang grupo sa mga opisyal ng gobyerno nitong Huwebes na sa halip na alisin ang K-12 program ay pagbutihin na lamang ito.

Ipinahayag ni Philippine Business of Education (PBED) president Chito Salazar na sa tingin niya ay kailangan bigyan pa ng oras at panahon ang programa.

“Nagsimulang ipatupad ang [K to 12] curriculum sa Grade 1 noong 2012. So iyong mga graduate ng isang buong K to 12 na programa, hindi pa nagtatapos… Pero huwag nating kalimutan, sa loob ng 12 years na iyan, nagkaroon po tayo ng pandemya. Wala po iyan sa plano. Huwag naman natin i-blame ang K to 12 dahil sa nangyari, dahil sa pandemya. So I think we need to give it more time,” aniya.

Binanggit din niya na maraming paraan para palakasin ito.

“Definitely, there are ways we can strengthen and improve the program,” dagdag niya.

Inisa-isa niya rin ang mga dapat tutukan sa pag-aaral ng mga estudyante.

“Kailangan nating tutukan ang reading, writing, and mathematical skills. Based on that, bumuo ng curriculum,” saad niya.

Inamin din ni Salazar na mayroong krisis sa edukasyon sa bansa.

“Talagang mayroon tayong krisis sa edukasyon natin. Pero hindi naman ang may kasalanan noon ay K to 12. Isa nga iyan sa mga lunas sa krisis ng edukasyon,” pahayag nito.

Nagbigay din siya ng rekomendasyon kung ano ang mga kailangang gawin upang iangat ang programa.

“Hindi pa tapos ang laban, marami pang kailangang gawin. Kailangan natin ayusin ang mga pasilidad, kailangan nating pagandahin ang pagtuturo. At isa pa po, kailangan nating i-address ang malnutrition,” dagdag niya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?