181

Mar 9, 2021 @ 14:54
By

Rumatrat sa Calbayog mayor naka-bonnet, grenade launcher

Nakasuot umano ng bonnet at armado ng M203 grenade launcher ang mga bumaril sa sasakyan ni Calbayog City Mayor Ronald Aquino.

Ayon kay Samar Rep. Edgar Mary Sarmiento, may mga nakakita sa ginawang pananambang kay Aquino noong Lunes habang papunta sa kaarawan ng kanyang anak.

“Ako’y nagtataka bakit naka-bonnet at saka naka M203 pa. Talagang handang-handa. Hindi ko maintindihan,” ani Sarmiento.

Sinabi ni Sarmiento na batay sa mga kuwento ng mga nakasaksi sa pangyayari ay pinagbabaril ng mga pulis ang sasakyan ng alkalde taliwas sa pahayag ng pulisya na unang nagpaputok ang grupo nito.

“Si Mayor nasa ginagawang tulay po ‘yan, talagang magandang pagkaplano po… paghinto tinira kaagad,” dagdag pa ni Sarmiento.

Sinabi ni Philippine National Police chief Debold Sinas na shootout ang naganap at hindi ambush.

Hindi na nakikita ni Sarmiento na magiging patas ang isasagawang imbestigasyon ng PNP kaya nanawagan ito kina Pangulong Rodrigo Duterte at Justice Secretary Menardo Guevarra.

Aniya, mas makabubuti kung ang National Bureau of Investigation ang magsagawa ng imbestigasyon upang lumabas ang katotohanan.

“I can’t get justice from the Philippine National Police, I believe so,” ani Sarmiento. “Ako’y nasasaktan na pinalalabas na shootout doon po sa ground zero. Maliwanag na maliwanag na sinasabi ng mga witnesses na talagang binaril muna ang sasakyan ni mayor.”

Naniniwala si Sarmiento na konektado sa paparating na eleksyon ang pagpatay sa kaalyado nitong si Aquino.

Noong 2011 ay pinaslang din si Calbayog City Mayor Reynaldo “Ining” Uy habang nasa pagdiriwang ng pista.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?