93

Oct 4, 2017 @ 15:13

Roxas umupa ng ‘influencer’ laban kay Noynoy – Blogger

Ibinunyag isang blogger sa Senado ang pag-upa ni dating Transportation Secretary Mar Roxas ng digital influencer upang lumayo kay dating Pangulong Noynoy Aquino.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Information and Mass Media, tinukoy ni Rey Joseph Nieto na kilala sa social media bilang Thinking Pinoy, na mga digital influencer sina Cocoy Dayao, Joyce Ramirez at Pete Silva.

Si Ramirez anya ay maituturing na public relation (PR) lady na nangasiwa sa kampanya ng #NasaanAngPangulo noong panahon ng Mamasapano incident.

Ayon kay Nieto, ang kumuha kay Ramirez ay si Roxas na ang layunin ay ilayo ang dating kalihim sa isyu ng Mamasapano incident at idiniin ang dating Pangulo.

“It’s a campaign that’s intended to pin down all the blame over the Mamasapano on President Aquino, apparently so that if Mar runs for president, he can be shielded from the bad PR,” saad ni Nieto.

Agad namang umalma sa alegasyon si dating Presidential Spokesperson Edwin Lacierda sa pagsasabing malisosyo ang pahayag ni Nieto at wala itong basehan.

“If he thinks #NasaanAngPangulo was used to distance Mar Roxas from the President, it wasn’t true. The fact is we were all there. There is no such thing,” saad ni Lacierda.

Tinukoy naman ni Nieto si Silva bilang nasa likod ng kampanya para protektahan si Vice President Leni Robredo laban sa mga banat sa kanya noong natyempo ang kanyang US trip sa pananalasa ng bagyong Nina.

Si Dayao naman ang itinuro ni Nieto na nasa likod ng SilentNoMorePh na Facebook page na naglabas ng sinasabing malisyosong balita sa pitong senador na hindi pumirma sa kontrobersyal na resolusyon laban sa extra judicial killings. (Dang Samson-Garcia)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?