258
rosana
By

Rosanna Roces, pinagbabayad ng P3M sa paglabag sa kontrata

Sharing is caring!

Pinagbabayad ng Court of Appeals (CA) ng mahigit P 3 milyong danyos si Rosanna Roces sa isang kilalang aesthetic clinic dahil sa paglabag sa kontrata nang magbitiw siya ng mapanirang pahayag laban sa nasabing kumpanya noong 2004.

Sa 14-pahinang desisyon na isinulat ni Associate Justice Ramon Bato Jr ng CA Eleventh Division, iniutos nito na magbayad si Roces, Jennifer Molina sa totoong buhay, ng P3.1 million sa Forever Flawless Face and Body Center.

Kinatigan ng appellate court ang naunang desisyon ng Quezon City Regional Trial Court na nagsasabing may merito ang kasong sibil na inihain ng aesthetic company dahil sa paglabag sa kontrata kaya nararapat na magbayad si Roces ng danyos.

Nabatid na nang ibenta ni Roces ang kanyang sapi o share sa Forever Flawless at ito ay bilhin ng kumpanya sa halagang P1.5 million, kasama sa pinirmahang deed of sale ng aktres ang hindi pagbibitiw ng mapanirang pahayag laban sa kumpanya, sa mga serbisyo, produkto, opisyal at mga stockholder nito.

Isang milyong piso ang kailangang bayaran ni Roces kung siya ay lalabag sa nilalaman ng kontrata.

Sa kabila nito, nagpaunlak ng mga panayam sa telebisyon si Roces na nagpaparatang sa kumpanya ng diumano’y palpak na liposuction procedure, gayundin sa iba nitong serbisyo at produkto.

Dahil dito, kinasuhan ng kumpanya si Roces.

Sa desisyon ng CA, hindi nito binigyan ng bigat ang argumento ni Roces na hindi siya pumayag sa nilalaman ng deed of sale at ang kanyang pirma sa ikatlong pahina nito ay peke.

Ayon sa CA, ang kontrata ay itinuturing na batas na iiral sa mga lumagdang partido at ang nilalaman nito ay mananaig kung hindi naman ito lumalabag sa batas na ipinasa ng Kongreso, sa moralidad, good customs, public order at public policy.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?