106

May 10, 2021 @ 19:45
By

Roque: Xi Jinping ‘personal protector’ ni Duterte sa kudeta, kasinungalingan

Pinabulaanan ng Malacañang ang paniwala ni dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio na si Chinese President Xi Jinping ang personal protector ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa militar sakaling ikudeta ito.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na nililito ni Carpio ang taumbayan sa pamamagitan ng mga haka-haka at hindi alintana ang panahon ng pandemya para mamulitika.

Ayon kay Roque, makailang beses nang sinabi ni Pangulong Duterte na kung ayaw na sa kanya ng militar ay uuwi na lamang ito sa Davao City at hindi siya magtatagal ng ilang minuto sa Malacañang kung ayaw na sa kanya ng mga sundalo.

“Kasinungalingan na naman ang sinasabi niya na protector ni Presidente si Xi. Isinasama pa si President Xi, samantalang paulit-ulit ang pronouncement ng Presidente na kung ayaw na sa kanya ng militar ay uuwi na ito sa Davao,” ani Roque.

Hindi aniya isasakripisyo ng Pangulo na magpatayan ang mga kapwa sundalo sakaling magkaroon ng kudeta.

Nakiusap si Roque kay Carpio na huwag gumawa ng mga kasinungalingan at panlilinlang sa publiko lalo na ngayong panahon ng pandemya para lamang sa kanyang ambisyon sa pulitika.

“Huwag po nating linlangin ang taumbayan, panlilinlang na po iyan at pagsisinungaling na po, huwag naman po. Sa panahon ng pandemya kung ginagawa lang ninyo yan para sa pulitika huwag naman po,” dagdag ni Roque.

Aileen Taliping

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?