6

Dec 28, 2020 @ 16:16
By

Roque walang idea kung nabakunahan na si Duterte

Walang impormasyon si Presidential Spokesman Harry Roque kung naturukan na rin si Pangulong Rodrigo Duterte ng COVID-19 vaccine.

Ito’y matapos kumpirmahin ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na may alam siyang ilang miyembro ng Presidential Security Group (PSG) at gabinete na nakapagpabakuna na kontra COVID-19.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na hindi siya sigurado kung nabakunahan na ang Presidente dahil wala namang sinasabi sa kanya hinggil dito.

“I have no information, personal information kung nabakunahan na po ang Presidente,” ani Roque.

Ang naririnig lamang niya sa Pangulo ay ang pagtatanong nito kung puwede pa ba siyang magpabakuna sa Pfizer kung nabakunahan na siya mula sa ibang nakagawa ng vaccine.

Makailang beses na aniyang tinanong ito ng Presidente sa kanilang mga pulong kung puwedeng magdoble ng COVID vaccine pero hindi ibig sabihin nito ay naturukan na siya ng bakuna.

“Ang palagi niyang tinatanong ay kung magpapabakuna ako ngayon, puwede pa ba akong magpabakuna later on. So I think that’s just another instance kung saan tinanong niya iyong paulit-ulit na tinatanong: ‘kung magpapabakuna na ako ngayon, pupuwede ba akong mag-Pfizer?’,” dagdag ni Roque.

Matatandaang inihayag noon ni Pangulong Duterte sa isa sa kanyang talumpati na siya ang unang magpapaturok ng bakuna sa sandaling mayroon nang matuklasan at magamit para labanan ang COVID-19. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?