74

Jul 27, 2021 @ 18:55
By

Roque walang dapat ihingi ng sorry kay Hidilyn Diaz

Walang dahilan para humingi ng paumanhin si Presidential Spokesman Harry Roque kay Olympic gold medalist Hidilyn Diaz.

Ito ang matigas na pahayag ni Roque matapos maungkat ang inilabas na “Oust Duterte” matrix ng Palasyo na naglalaman ng mga pangalan kasama si Diaz.

Sinabi ni Roque na wala siyang ibinintang kay Diaz bilang tagapagsalita ng Palasyo.

“Wala po ano. As a spokesperson, wala po akong kahit anong ibinintang kay Hidilyn Diaz,” ani Roque.

Ang Oust Duterte matrix ay inilabas ni dating Presidential Spokesman Salvador Panelo dalawang taon na ang nakaraan kung saan isa ang pangalan ni Diaz sa mga lumitaw sa matrix.

Naglabas naman ng pahayag si Panelo matapos lumutang ang matrix issue sa gitna ng pagdiriwang ng mga Pilipino sa tagumpay ni Diaz.

Sinabi ni Panelo na pilit na pinaghahati ng mga kritiko ang mga Pilipino sa tagumpay ni Diaz at parang wala aniyang karapatan ang gobyerno na ipagbunyi ang panalo nito.

“These selfish people, claiming that it is only them who have the right to celebrate our country’s victory, say that supporters of the government should disassociate themselves from the feat even as they stooped so low by creating a social media card which falsely attributed remarks against Ms. Diaz to me,” ani Panelo.

Naipaliwanag na aniya nito kung bakit napasali ang pangalan ni Diaz noon sa matrix dahil follower siya sa social media ng isang Rodel Jayme na may kinalaman umano sa pag-upload ng video na may titulong “Ang Totoong Narcolist” sa kainitan ng planong destabilisasyon laban sa Pangulo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?