39

Oct 19, 2021 @ 16:56
By

Roque umaasa ng himala kay Mayor Sara

Hindi pa rin sumusuko si Presidential Spokesman Harry Roque sa posibilidad na magbago ang isip ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio at magdesisyong humabol sa presidential race para sa 2022 elections.

Sinabi ng kalihim na hindi lamang siya ang umaasa, kundi pati na ang mga supporters ng alkalde na baka magkaroon ng milagro dahil hindi pa naman tapos ang substitution para sa mga kandidatong nais humabol ng kandidatura.

“Habang hindi pa tapos ang substitution, marami pa rin pong umaasa. Alam ko po sinabi niya hindi na talaga pero malay ninyo naman po magkaroon ng milagro,” ani Roque.

Kaugnay naman sa tanong kung tutuloy pa ba ito sa pagka-senador kahit natapos na ang filing of candidacy, sinabi ni Roque na hindi pa niya alam ang mga susunod na mangyayari.

Nagbitaw aniya siya ng salita na tatakbo lamang ito sa pagka-senador kung kasamang tatakbo sa national position si Mayor Sara.

“Unang -una umaasa pa rin po tayo na gaya ng sinabi natin na nais nating tumakbo kasama si Mayor Sara–iyan ang pinaka-importante ng kunsiderasyon. Pangalawa, ako’y hindi anak mayaman, hindi po ako anak politiko,” ani Roque.

Malaking hamon aniya ang perang gagastusin kung tatakbo ito sa pagka-senador at ito ang isa sa mga bagay na ikinukunsidera niya sa ngayon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?