11

Oct 6, 2020 @ 15:59
By

Roque ulit: Congratulations, Philippines!

May binati si Presidential Spokesperson Harry Roque matapos opisyal na buksan ang mga klase sa public schools nationwide kahapon.

Ang Department of Education (DepEd) at si DepEd Secretary Leonor Briones, maging ang buong bansa.

“Congratulations, Secretary Briones. Congratulations to the DepEd family and to the entire Philippines dahil nagwagi po tayo laban sa COVID nang tayo po ay nagbukas ng klase kahapon,” sambit ni Roque ngayong Martes, Oktubre 6.

“Congratulations for beating the destroyer, COVID-19,” aniya pa.

Kahapon, sabi ni Briones, “we declare our victory over COVID-19–the destroyer of our lives and destroyer of our economy and of our society.”

Pero ngayong araw, giniit niyang ang deklarasyon ng balik-eskuwela ay tagumpay laban sa mga “kalaban” na nagtutulak ng academic freeze o ang suspensiyon ng school year habang may pandemyang COVID-19.

“Kaya ang sinasabi namin, ‘yung pagdeklara ninyo ng September (sic) 5, ‘yun ang opening na magklase tayo, ay isang victory ‘yan para sa education. Dahil itong mga kalaban natin e nag-i-insist na education freeze, gusto nila, isara lahat. Well, hindi kaya ng DepEd, hindi kaya ng pamahalaan,” sabi pa ng kalihim.

Maraming estudyante at gurong Pinoy na nananawagan ng academic freeze dahil sa kahirapan nilang magkaroon ng gadget o maayos na internet connection para sa tinutulak ngayong distance at blended learning habang may pandemya.

Samantala, Hunyo nang unang batikusin ng madla si Roque sa kanyang “Congratulations, Philippines” remark dahil na-beat daw ng Pilipinas ang UP prediction na aabot sa 40,000 ang kaso ng coronavirus sa bansa sa dulo ng Hunyo 2020.

Sa ngayon, ayon sa Johns Hopkins University COVID-19 dashboard, pang-20 na ang Pilipinas sa mga bansa o rehiyong may pinakamaraming COVID-19 case sa buong mundo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?