18

Oct 7, 2021 @ 16:53
By

Roque todo-asang magbabago isip ni Mayor Sara

Hindi pa rin sumusuko ang Malacañang sa posibilidad na magbago ang isip ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio para tumakbo sa pagka-presidente.

Ito ay kasunod ng huling araw ng pagsusumite ng certificate of candidacy ng mga kandidato ngayong Biyernes para sa darating na eleksiyon.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na si Mayor Sara ang gusto ni Pangulong Rodrigo Duterte na tumakbo sa pagka-pangulo ngayong 2022 elections, subalit sinabi ng alkalde na ayaw niyang tumakbo sa mataas na posisyon.

“All we can say right now is we are praying for Mayor Sara to make the right decision but in seeking the guidance of God, be reminded that the voice of the people is the voice of God,” ani Roque.

Nakahanda aniyang mag-vigil ang mga opisyal sa Palasyo sa pagbakasakaling magbago pa ang isip ng anak ng Presidente.

“Magbi-vigil kami dito sa Malacañang kung sakaling maghahain ng certificate of candidacy si Mayor Sara Duterte for president,” dagdag ni Roque.

Sinabi ng kalihim na naniniwala ang Presidente na ang alkalde ng Davao ang angkop na maging susunod na Pangulo ng bansa, gaya ng paniniwala ng mayorya ng mga Pilipino kung pagbabasehan ang mga lumalabas na survey.

“The President has from the very beginning believed that she is the most abled candidate for president, and apparently, its not just I who agree with it, it’s also the rest of the Filipino people if we are to believe surveys as reflected of the people’s sentiments,” wika ni Roque.

Binigyang-katuwiran naman ng kalihim ang mga naunang pahayag ni Pangulong Duterte na ayaw niyang mag-presidente si Mayor Sara dahil bilang ama, ayaw nitong mabakbakan at makaranas ng mga banat ang kanyang anak mula sa mga kritiko at kalaban sa politika.

“Wala naman po siguro nagbago. Bilang isang ama ayaw naman niyang madanasan din ni Mayor Sara ‘yung the worst phase of politics, ‘yung mga intriga,” dagdag ni Roque.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?