55

Nov 6, 2017 @ 16:10
By

Roque: Sereno dapat nang mag-resign

Pinagbibitiw na ni Presidential Spokesman Harry Roque si Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa harap ng nakakasang impeachment complaint nito.

Sinabi kahapon ni Roque na ito ang pinakamabisang paraan para hindi na malagay sa matinding kahihiyan ang instiutusyong pinapangasiwaan ni Sereno.

Hindi na aniya kakayanin ng hudikatura na malagay sa panibagong kahihiyan matapos ang pagpapatalsik noon kay dating Chief Justice Renato Corona.

Tiwala ang kalihim na mapapatalsik sa pamamagitan ng impeachment court si Sereno dahil nabasa nito ang reklamo at matitibay ang mga ebidensiyang nakalap ni Atty. Larry Gadon.

“I think it is high time now for chief justice to re-examine very carefully the effect of another removal to the institution itself. It cannot be that there will be the second instance that a sitting chief justice will be removed as a result of decision of the Senate. We cannot wait for that,” pahayag ni Roque.

“So I call upon Chief Justice Sereno to really consider resigning if only to spare the institution from any further damage,” dagdag pa nito.

Kagaya aniya ng ginawa ni dating Commission on Elections Chairman Andres Bautista, maaaring maisalba ni Sereno ang institusyon kung boluntaryo itong aalis sa puwesto.

Kasabay nito itinanggi ng kalihim na muling nabuhay ang political forces para i-harass at nagiging banta sa kalayaan ng hudikatura.

Sinabi ni Roque na walang ganitong puwersa at walang ibang dapat sisihin si Sereno kundi ang sarili nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?