66

Dec 18, 2017 @ 15:58
By

Roque sa NPA: Mga traydor!

Ikinagalit ng Malacañang ang patraydor na aksiyon ng New People’s Army (NPA) nang tambangan ang tropa ng mga sundalo na maghahatid ng tulong sa mga biktima ng bagyong Urduja sa Northern Samar.

Sinabi kahapon ni Presidential Spokesman Harry Roque na ang naging aksiyon ng NPA ay patunay lamang na traydor ang mga alagad ni Communist Party of the Philippines (CPP) chairman Jose Maria Sison at hindi talaga dapat pagtiwalaan.

Nakakalungkot aniya at nakakagalit dahil dalawang sundalo ang nasugatan sa pananambang.

Sinabi ng kalihim na malinaw na paglabag ito sa International Humanitarian Law dahil humanitarian mission ang pakay ng mga sundalong tinambangan ng mga NPA.

“Iyan po talaga ay hindi lang nakakalungkot, nakakagalit, iyan po ay talagang patunay na traydor po talaga ang CPP-NPA. Alam n’yo po sa batas ng labanan iyong tinatawag na International Humanitarian Law, kung ikaw ay sundalo, kapag ikaw naman ay gumagawa ng isang makataong bagay, humanitarian mission ay hindi po dapat inaatake, iyan po ay isang war crime na tinatawag. Pero iyan po talaga ang problema natin sa NPA, hindi po sila lumalaban sang-ayon sa batas na umiiral pagka ganoong labanan at sila po talaga ay hindi mapagkakatiwalaan,” ang galit na pahayag ni Roque.

Agad na kinondena ng mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang insidente, kung saan ipinakita umano ng mga NPA ang tunay na kulay at tama lamang na tawagin silang terorista. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?