13

May 25, 2021 @ 15:31
By

Roque sa mga choosy sa bakuna: Unahin buhay bago stateside brand

Pinayuhan ng Malacañang ang mga nais maturukan ng bakunang gawa ng Amerika na isipin muna ang kaligtasan kesa masapol ng COVID-19.

Inihayag ito ng Palasyo kasunod ng survey ng Social Weather Stations na mayorya ng mga Pilipino o katumbas ng 63% ay mas pabor sa paggamit ng US-manufactured vaccine.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na naiintindihan ng Palasyo ang paghanga ng mga Pinoy sa stateside brand pero kakaunti pa lamang aniya ang supply ng bakuna na gawang Amerika.

Sa halip aniya na maghintay ng gustong brand ng bakuna, sinabi ni Roque na mainam na isipin ang kaligtasan at gamitin kung ano ang brand na mayroon ang bansa.

“Bagama’t mayroon tayong preference sa stateside, unahin na muna natin ang ating mga buhay, ang buhay ng ating pamilya, ang ating komunidad — magpabakuna po kung ano ang available,” ani Roque.

Binigyang-diin ng kalihim na hindi sapat ang supply ng bakunang gawa ng Pfizer na dumating sa bansa kaya dapat magpaturok kung ano ang maaaring magamit para makatiyak ng kaligtasan mula sa COVID-19.

Sinabi ni Roque na hindi dapat isaalang-alang ang kaligtasan dahil lamang sa gustong brand dahil nasa bansa na ang mga mas nakakahawa at nakamamatay na mga bagong COVID variant.

“Mayroon po tayong konting mga stateside na bakuna pero hindi po yan sapat para sa lahat. Nandiyan na po ang mga mas nakakahawa at mas nakamamatay na new variants kaya magpabakuna na po tayo,” dagdag ni Roque.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?