9

Oct 20, 2020 @ 15:38
By

Roque sa imbestigasyon ng katiwalian sa DPWH: Pagbigyan natin sila

Nanawagan ang Malacañang sa mga kritiko na bigyan ng pagkakataon ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na imbestigahan ang kanilang hanay sa bintang na katiwalian.

Ito ay matapos kuwestiyunin ang itinatag na task force ni DPWH Secretary Mark Villar na ang mga miyembro ay mula rin sa loob ng ahensiya at posibleng maimpluwensiyahan ang kanilang gagawing imbestigasyon.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na paunang hakbang pa lamang ito ng DPWH para aksiyonan ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na talamak ang katiwalian sa ahensiya.

“Pagbigyan po natin sila ‘no. Let’s give them a chance dahil sa aking pagkakaalam eh talagang this is one of the rare moments na ina-address natin ang korapsyon diyan sa DPWH na ang sabi nga ng Presidente ay lantaran at systemic,” ani Roque.

Interesado aniya ang Malacañang na makita ang resulta ng imbestigasyon pati na ang mga gagawing rekomendasyon ng task force para malaman kung sino-sino ang mga sangkot sa korapsyon sa ahensiya.

Hinimok ni Roque ang publiko na iparating sa Malacañang ang mga nalalamang korapsyon sa kanilang lugar sa pamamagitan ng 8888 para maaksiyonan agad ito ng gobyerno.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?