29

Sep 18, 2020 @ 16:25
By

Roque sa EU: Kung gustong pahirapan mga Pinoy, gawin nila!

Hinamon ng Malacañang ang mga mambabatas mula European Union kung saan nagbabanta ang mga ito na alisin ang insentibo ng Pilipinas sa taripa.

Ayon kay presidential spokesperson Harry Roque, pwedeng gawin ng EU kung anong gusto nila at kapag sakaling ituloy ang pagtanggal sa tariff incentive ay ang EU na umano ang pinakamalaking human rights violator sa bansa.

“Kung gusto nilang dagdagan ang pahirap ng sambayanang Pilipino sa panahon ng pandemya, so be it. We will accept that as history repeating itself,” lahad ni Roque.

“Gawin nila ang gusto nilang gawin. Sa mga panahon na ito if they want to implement it, go ahead! They will be the biggest contributor to the violation of the right to life in the Philippines,” giit pa nito.

Pinatamaan ng mga lawmaker ng EU ang Duterte administration dahil sa umano’y matinding paglabag ng human rights sa bansa, kaya’t dahil dito ay hinikayat nila ang pagbawi sa Generalized Scheme of Preferences Plus (GSP+) na nagbibigay ng pribilehiyo sa Pilipinas para makapag-export ng zero-duty merchandise sa Europa.

Kung sakaling matuloy ang plano ng EU ay abot sa 6,200 produkto ang maaapektuhan sa Pilipinas.

“Ang karapatang pantao ay pinangangalagaan po, lahat ng biktima ng ‘di umano’y karahasan at karapatang pantao ay merong remedyo sang-ayon po sa lokal na batas at Saligang Batas ng Pilipinas,” tugon naman ni Roque sa alegasyon ng EU.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?