57

May 7, 2021 @ 20:33
By

Roque: Papasok sa ‘Pinas dadaan sa mandatory 14-day quarantine

Dadaan na sa mandatory 14 day quarantine ang lahat ng sinumang papasok sa Pilipinas.

Ito ang bagong polisiya ng gobyerno na inanunsiyo ni Presidential Spokesman Harry Roque matapos aprubahan ng Inter-Agency Task Force sa kanilang pulong noong Huwebes.

Bahagi ito ng paghihigpit ng gobyerno upang matiyak na hindi makakapasok sa bansa ang ibang variant ng COVID-19, kabilang na ang double mutant na nakita sa India.

Sinabi ni Roque na mandatory na ang 14 day quarantine kung saan ang 10 araw ay sa quarantine facility at ang apat na araw ay home quarantine na dapat alam ng lokal na pamahalaan sa kanilang lugar na pupuntahan.

Sa ika-pitong araw na nasa facility quarantine ay kinakailangan ang swab test na dadalhin sa Genome Center para matukoy kung ang pasaherong pumasok sa bansa ay positibo sa COVID-19 at kung anong variant ang bitbit ng mga ito.

“Bago na po ang polisiya natin — lahat ng papasok sa Pilipinas 14-day quarantine, absolute facility quarantine ng sampung araw, ika-pitong araw kinakailangan mag-PCR test at maski negatibo kinakailangan manatili sa quarantine facility hanggang ika-sampung araw,” ani Roque.

Ang Bureau of Quarantine naman ang magpapatupad ng mahigpit na symptom monitoring.

Inatasan ng IATF ang Department of Health, Department of Foreign Affairs, Department of Transportation, Department of Labor and Employment, Bureau of Quarantine at Overseas Workers Welfare Administration na maglabas ng advisories o abiso ukol sa bagong testing at quarantine protocols.

Aileen Taliping

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?