75

Sep 13, 2021 @ 15:14
By

Roque: Pangulo lang makakasibak sa amin ni Duque

Nasa pagpapasya na ni Pangulong Rodrigo Duterte kung tatanggalin nito sa puwesto ang mga opisyal na hinihiling ng ilang sektor na maalis sa posisyon.

Ito ang tugon ni Presidential Spokesman Harry Roque sa panawagan ni Dra. Maricar Limpin na dapat siyang sibakin ng Pangulo dahil sa inasta nito at tila pangmamaliit sa health sector.

Sinabi ni Roque na nasa desisyon na ng Pangulo kung nais niya itong sibakin sa puwesto.

Bukod kay Roque ay hinihiling din ng ilang sektor na isama ring sibakin si Health Secretary Francisco Duque III.

“Doon sa sinasabi ni Dr. Limpin, well, na kay Presidente na ‘yan. Unfortunately, only the President can fire me, and only the President can fire Secretary Duque,” ani Roque.

Matatandaang nag-viral ang isang video sa social media kung saan galit na galit si Roque matapos umanong igiit ni Limpin at isa pang doktor na magpatupad ng tatlongg linggong lockdown dahil sa tumataas na kaso ng COVID-19.

Hiwalay ding hiniling ng isang militanteng grupo na dapat ding mag-resign si Pangulong Rodrigo Duterte sa puwesto at palitan ni Vice President Leni Robredo.

Sinabi ni Roque na unang araw pa lamang ng Pangulo sa puwesto ay gusto na ng oposisyon na palitan ito.

“Yung pagpalit ni VP Leni ‘yun talaga ang gusto ng oposisyon simula day one, gusto na nilang palitan si Presidente,” dagdag ni Roque.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?