13

Aug 18, 2020 @ 17:37
By

Roque: Pag-iyak ni Locsin ‘di dahil kay Duterte

Walang kinalaman sa fake news laban kay Pangulong Rodrigo Duterte ang dahilan ng pag-iyak ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. nitong weekend.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na tinawagan niya si Secretary Locsin at inalam ang dahilan ng nag-viral na larawan nito na napaiyak ito.

Kinuwento ni Locsin kay Roque na nahabag siya sa isang sinalubong na Overseas Filipino Worker dahil inakalang manika ang bitbit nito subalit nang tinitigan aniya ay humihinga ito at anak pala ng OFW na mayroong hindi magandang kundisyon.

Batay sa paglalarawan ni Locsin, ang batang inakalang manika ay walang buto kaya napaiyak ito sa matinding awa.

“Ang dahilan pala, may nakita siyang parang manika na bitbit ng OFW pero napansin ni Secretary Locsin na humihinga iyong mukhang manika at noong tinanong niya kung ano ang diperensiya, iyong bata ay buhay pero walang buto,” ani Roque.

Dito aniya napagtanto ni Locsin na talagang binibigyan ni Pangulong Duterte ng prayoridad ang buhay ng mga OFW gaya ng may dala-dala sa batang walang buto.

Nag-viral ang kuhang larawan ni Locsin na umiiyak at ikinabit sa fake news na dinala umano sa Singapore si Pangulong Duterte para magpagamot, na inakala naman ng mga netizen na ito ang iniyakan ni Secretary Locsin.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?