17

Jul 28, 2020 @ 15:27
By

Roque: Pag-aming inutil ni Duterte sa China issue, ‘di literal!

Binigyang-katwiran ng Malacañang ang naging pag-amin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang State of the Nation Address (SONA) na inutil siya pagdating sa issue ng pananakop ng China sa mga teritoryo sa West Philippine Sea.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na hindi dapat gawing literal ang pag-intindi sa naging pahayag ni Pangulong Duterte sa usapin ng paghahari-harian ng China sa West Philippine Sea.

Ipinaliwanag ni Roque na ang ibig sabihin ng Presidente ay walang kakayahan ang Pilipinas na tapatan ng dahas ang ginagawa ng China sa pag-okupa sa ilang isla sa West Philippine Sea.

“Ang konteksto ng inutil ay dahil yung pag-occupy ng Tsina sa mga artificial islands ay sa pamamagitan ng dahas. At ang kasagutan ng Presidente, eh wala naman tayong kakayahan para tayuan yung ating karapatan at gumamit din ng dahas para sila ay paalisin. Yun po yung konteksto kung bakit siya inutil,” ani Roque.

Makailang beses na aniyang inihayag ni Pangulong Duterte na hindi kaya ng gobyerno na makipagdigmaan sa China dahil sa mga malalakas na armas pagdigma nito, at ayaw ng Pangulo na mapahamak ang mga sundalo.

Iginiit ni Roque na kahit nakamkam na ng China ang ilang mga teritoryo sa West Philippine Sea, hindi naman naaapektuhan ang ruling ng International Arbitral Court na pumabor sa Pilipinas.

“Bagamat sila ay in possession at hindi natin sila kayang palayasin, hindi naman naaapektuhan yung ating claim doon sa teritoryo na yan dahil mayroon nga tayong ruling na nagsasabing yung mga isla na yan ay kabahagi ng ating bayan,” dagdag ni Roque.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?