205

Oct 28, 2017 @ 15:41

Roque nag-sorry kay Abella, sabak na sa Nobyembre 6

Humingi ng paumanhin si Cong. Harry Roque kay outgoing Presidential Spokesman Ernesto Abella kaugnay sa bagong puwesto na ibinigay sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi ni Roque na tinawagan niya si Abella bago siya kinausap ni Pangulong Duterte at naintindihan naman aniya nito ang naging desisyon ng Pangulo.

Nilinaw ng bagong tagapagsalita ng Palasyo, na ayaw niyang mang-apak ng kapwa kaya kinausap niya sa telepono ang papalitang opisyal.

“Tinawagan ko naman po siya at sinabi ko hihingi lang ako ng paumanhin dahil ako din talaga walang idea na darating itong ganitong oportunidad, at naintindihan naman ni Undersecretary Abella,” ang pahayag ni Roque.

Hindi naman tinukoy ni Roque ang dahilan ni Pangulong Duterte kung bakit siya ang ipinalit kay Abella bilang tagapagsalita at sinabi lang aniya ng Presidente na isa siyang pastor.

“Ang sabi ng Presidente, si Abella ay talaga pong pastor, hindi naman daw simbahan ang Malacañang at ang kailangang-kailangan ay naintindihan ang kanyang ibig sabihin at nakakaanggulo rin,” dagdag pa nito.

Sa Nobyembre 6 nakatakdang manumpa si Roque kay Pangulong Duterte bilang bagong Presidential Spokesperson at kasama na rin siya sa cabinet meeting sa susunod na linggo.

Kasama rin ang bagong opisyal sa Japan trip ni Pangulong Duterte subalit hindi bilang Presidential Spokesperson kundi sa kanyang kapasidad bilang mambabatas. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?