239

May 18, 2020 @ 14:19
By

Roque nag-ala Kim Chiu

Nagmistulang “copy cat” si Presidential Spokesman Harry Roque sa popular na litanya ni aktres Kim Chiu para magbabala sa mga Pinoy kaugnay sa patuloy na banta ng coronavirus disease 2019.

Kasunod na rin ito ng biglang pagdami ng mga taong lumabas nitong Sabado, sa unang araw ng implementasyon ng modified community quarantine, at ng hindi pagsunod sa social distancing lalo na sa mga mall.

Hindi aniya biro ang peligrong hatid ng COVID-19, kaya dapat, sundin ng mga tao ang nararapat na pag-iingat para makaiwas sa virus.

“Sabi nga ng isang nag-viral na post–at alam ko naman na kilala n’yo siya–bawal lumabas, pero kapag nag-comply ka at inayos ninyong mag-obserba ng proper hygiene tulad ng paghuhugas ng kamay, pagsusuot ng face mask o face shield, at pagsunod sa social distancing at iba pang health protocol, mapa-flatten natin ‘yung curve, at ‘yung bawal lumabas ay puwede nang lumabas,” ani Roque, Lunes.

Huwag na aniyang hintaying matulad ang Pilipinas sa ibang mga bansa na matapos magluwag ng restrictions ay biglang umakyat ang bilang ng COVID-19 case.

Kasabay nito, nagbabala rin si Roque sa mga may-ari ng mall na mahigpit na sundin ang social distancing, at utusan ang kanilang mga guwardiya na ipatupad ang mga paghihigpit kung ayaw nilang mapasara ang kanilang establisimento.

“Ang mga malls na hindi tumutupad sa social distancing at crowd control, well, madali lang po yan: ipapasara kayo muli,” saad pa niya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?