22

Nov 9, 2021 @ 16:16
By

Roque minaliit pagtutol ng mga abogado sa ILC nomination niya

Hindi natinag si Presidential Spokesman Harry Roque sa petisyon ng 152 mga abogado sa bansa para tutulan ang nominasyon nito sa United Nations International Law Commission (UN-ILC).

Sinabi ni Roque na napakaliit na porsiyento lamang ng mga kumokontrang abogado sa kanyang nominasyon sa mahigit 78,000 na mga abogado sa bansa.

Sinabi ni Roque na wala pang isang porsiyento ang bilang ng mga nagpetisyong abugado sa kanyang nominasyon at hindi aniya ito nababahala dahil kilala naman kung anong grupo kabilang ang mga ito.

“Para sa kaalaman ng ating mga kababayan, mayroon po tayong mahigit 78,000 na mga abugado sa Pilipinas. Kung 152 ang kumontra sa aking nominasyon, ito ay katumbas ng 0.001 percent,” ani Roque.

Tinawag ng kalihim na iisang grupo lang ang mga abugadong nagpetisyon na aniya ay mga talunan sa nakalipas na eleksiyon at mga personalidad na wala ng ginawa kundi kontrahin ang mga ginagawa ng Duterte administration.

“Maingay lang sila dahil kabilang sa mga pumirma ay mga kilalang personalidad na talunan sa otso diretso at grupo ng kaliwa na walang nasabing maganda sa mula’t mula tungkol sa administrasyon ni Presidente Duterte since day one,” dagdag ni Roque.

Kasama aniya ng mga abugadong kumokontra sa kanya a g mga grupong nag-rally at nanggulo sa New York kung saan tinawag pa siyang war criminal.

Binigyang-diin ni Roque na walang batayan ang reklamo ng mga kumokontrang abugado sa pagiging spokesman nito sa mga bintang laban kay Presidente kaya malinaw na nanggugulo lamang ang mga ito.

“Pero ngayon po, papaalalahanan ko ang lahat, tinututulan nila tayo dahil ang pagiging spokesperson daw natin ay mayroon tayong guilt by association kay Presidente. Wala pong ganon, there is no such thing as guilt by association,”wika ni Roque.

Hindi aniya maalis sa mga Pilipino ang utak talangka kaya hahayaan na lamang niya ang mga ito dahil tiwala siyang ibabatay ang pagpili sa credentials at hindi sa kaugnayan sa isang lider o bansa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?