71

Oct 5, 2020 @ 15:11

Roque kinantiyawan trust, performance rating ni Robredo

Nagpasalamat ang Malacañang sa taumbayan sa patuloy na pagsuporta at pagtitiwala kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Kasunod ito ng Pulse Asia survey kung saan nakakuha ng 91 % trust rating at 91% performance rating ang Pangulo.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na nagagalak ang Palasyo dahil nakikita ng publiko ang mga ginagawa ng Presidente lalo na ngayong panahon ng pandemya.

“Nagpapasalamat kami sa taong bayan sa pinaka-bagong survey ng Pulse Asea, binigyan po ng 91% trust rating si Pangulong Rodrigo Duterte at 91% din sa performance rating.Maraming salamat taongbayan, 91% ang ibinigay sa ating Presidente sa tust at performance approval rating,” ani Roque.

Sinabi ng kalihim na nangako ang Presidente na gagawin niya ang lahat para makabangon sa pandemya at isasantabi ang pulitika, at lahat ng Pilipino ay iaahon niya sa kahirapan na dulot ng pandemya.

“Ang panawagan po ng Presidente sa lahat ng pulitiko, isantabi muna natin yan, 2022 pa po yan, tulungan natin ang ating mga kababayan,” dagdag ni Roque.

Mistula namang kinantiyawan ni Roque si Vice President Leni Robredo dahil pang-apat ito sa survey at malayo ang agwat sa resulta ng trust at performance rating na nasa 50 at 57 percent.

Sinabi ni Roque na tila nagkatotoo ang kanyang sinabi na ayaw ng mga Pilipino ang namumulitika sa panahon ng pandemya.

“Naku madam VP mukhang tama ang aking sinabi: ayaw ata ng mga Pilipino ang namumulitika sa panahon ng pandemya. Subukan nating itigil ang pulitika, baka po tumaas nang mas mataas sa 50% ang trust rating at mas mataas pa sa 57% ang performance rating,” wika ni Roque.

Batay sa Pulse Asia survey nitong September 2020, pumangalawa si Senate President Vicente Sotto sa kanyang trust rating na 79%; pumangatlo si House Speaker Alan Peter Cayetano at 67%, habang si VP Leni ay nasa pang-apat, 50% sa trust rating at 57% sa kanyang performance rating. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?