227

May 13, 2021 @ 16:33
By

Roque kay Trillanes: Puro ka lang dakdak

Hinamon ng Malacañang si dating senador Antonio Trillanes IV na magsampa ng kaso sa korte laban kay Pangulong Rodrigo Duterte kung mayroon itong ebidensiya sa mga paratang nito.

Tugon ito ng Palasyo sa pahayag ni Trillanes na ipapakulong niya si Pangulong Duterte sakaling manalo itong Presidente sa 2022 dahil umano sa mga ipinapatay nito at dahil sa katiwalian.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na kung mayroong ebidensiya ang dating senador ay dapat simulan na niya ang paghahain ng demanda at huwag nang hintayin ang susunod na taon.

“Kung mayroon siyang kasong maihain dapat ihain na niya. Ang problema kay Trillanes dakdak din nang dakdak. Kasi kung meron talaga siyang ebidensiya na merong pinapatay ang Presidente, dapat ihain na niya ngayon,” ani Roque.

Limang taon na aniyang puro paratang ang ibinabato ni Trillanes laban sa Presidente pero wala namang isinasampang kaso.

Bagama’t may immunity from suit si Pangulong Duterte, sinabi ni Roque na ang ibig sabihin nito ay hindi uusad ang kaso habang nakaupo pa ito.

“Kasi yung immunity from suit lang naman, ibig sabihin hindi uusad sa korte habang siya ay nakaupong Presidente. Pero wala naman siyang kahit anong kasong hinain limang taon na. So kung wala siyang nahain sa limang taon, hindi ko alam kung paano siya magkakaroon ng kaso pagkatapos ng anim na taon,” dagdag ni Roque.

Binigyang-diin ng kalihim na walang patakaran si Pangulong Duterte na magpapatay ng tao at alam nito ang batas dahil dati itong naging fiscal bago naging pulitiko.

“Wala pong polisiya na magpapatay ang ating Presidente. Siya po ay dating fiscal na lumilitis sa paglabag ng revised penal code kasama na po diyan ang krimen ng pagpatay o murder,” wika ni Roque.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?