49

Jul 15, 2019 @ 16:20
By

Roque kay Carpio: Huwag nang makisawsaw sa WPS issue

Pinatutsadahan ni dating presidential spokesperson Atty. Harry Roque si Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio kaugnay sa umano’y pakikisawsaw nito sa usapin ng West Philippine Sea (WPS) at mas mainam na itikom na lamang nito ang kaniyang bibig at huwag nang magbigay ng opinyon.

Sa ginanap na Pandesal Forum nitong Lunes ng umaga (July 15) sa Kamuning, na pinangasiwaan ni Mr. Wilson Lee Flores, sinabi ni Atty. Roque na hindi dapat nakikialam ang naturang mahistrado dahil paglabag sa Canons of Judicial Ethics ang ginagawang pagpapalabas ng opinyon ni Carpio na aniya’y “impeachable” kung kaya’t nararapat lamang na manahimik ang naturang mahistrado.

Binigyang-diin ni Roque na pambansang interes ang isinusulong na polisiya ng pamahalaang Duterte at tama lamang na hindi ito nanghihimasok sa awayan ng Amerika at China hinggil sa isyu ng WPS.

Pinuna rin ni Roque ang ilang ginawang opinyon at rekomendasyon ni Justice Carpio sa naturang usapin partikular sa implementasyon ng Permanent Court of Arbitration ruling na pumabor sa Pilipinas.

Aniya, bukas ang pamahalaan sa bilateral at multilateral negotiation at hindi ito isinasantabi ng pamahalaang Duterte sa pamamagitan ng mapayapang paraan.

Kasabay nito, hinamon din ni Roque si Carpio na mag-“inhibit” sa lahat ng kaso na may kaugnayan sa isyu ng WPS o mas nakabubuting aniyang magbitiw muna sa kanyang pwesto bago ito magpalabas ng mga opinyon bunsod ng hindi magandang ehemplo ang ipinakikita nito sa ibang mahistrado.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?