33

May 3, 2021 @ 16:53
By

Roque: Ilang opisyal ng Nayong Pilipino tutol sa COVID project

Ipaparating ni Presidential Spokesman Harry Roque kay Executive Secretary Salvador Medialdea ang report na tinututulan umano ng Nayong Pilipino Board ang planong pagtatayo ng mega COVID vaccination facility sa kanilang bakanteng lote sa Entertainment City sa Parañaque City.

Kasunod ito ng ulat na dalawang opisyal ng Nayong Pilipino ang humaharang umano sa planong i-convert bilang pansamantalang walk-in at drive-thru vaccination facility ang bakanteng property kapag naging full blast na ang vaccination program ng gobyerno para sa target na magkaroon ng herd immunity laban sa COVID-19.

Ayon kay Roque, ipaparating niya kay Executive Secretary Salvador Medialdea ang isyu para maaksiyonan kaagad dahil may hurisdiksiyon ito sa mga itinalagang mangasiwa at magpatakbo sa mga government owned and controlled corporations.

“Ipagbibigay-alam ko po ito kay ES as our primus inter pares, and he would still have jurisdiction over trustees of government and controlled corporations,” ani Roque.

Ang planong paggamit sa bakanteng property ng Nayong Filipino Foundation para maging pansamantalang vaccine center ay inendorso umano mismo nina vaccine czar Secretary Carlito Galvez at Department of Health Secretary Francisco Duque III para magtuloy-tuloy ang pagbabakuna sa sandaling dumating na sa bansa ang bulto ng COVID vaccine na binili mula sa iba’t ibang vaccine manufacturer.

Matatandaang mayroon nang itinayong mega quarantine facility sa Nayong Pilipino ang gobyerno na pinakikinabangan na ng mga tinamaan ng COVID-19.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?