23

Nov 12, 2021 @ 15:59
By

Roque: Hindi bakunado walang ‘K’ pumasok sa establisyimento

May karapatan ang mga pampubliko at pribadong establisyimento na hindi papasukin o hindi pagsilbihan ang mga hindi pa bakunadong indibiduwal.

Ito ang inanunsiyo ni Presidential Spokesman Harry Roque bilang resulta sa pulong ng Inter-Agency Task Force nitong Huwebes para sa mga indibiduwal na patuloy pa ring tumatangging tumanggap ng COVID vaccine.

Ayon kay Roque, sinisikap ng gobyerno na mabigyan ng proteksiyon ang mayorya ng populasyon ng mga Pilipino kaya mayroong karapatan ang mga may-ari ng mga establisyimento na huwag magpapasok ng mga hindi bakunado at makatanggap ng kanilang serbisyo.

“Public and private establishments may validly refuse entry and /or deny service to individuals who remain to be unvaccinated, despite eligible for vaccination,” ani Roque.

Naunang iminungkahi ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion ang “no vaccine,no entry” sa mga mall bilang bahagi ng pag-iingat at proteksiyon na rin sa ibang mamamayan na posibleng mahawa sakaling carrier ang mga hindi bakunado ng COVID-19.

Maging si Pangulong Rodrigo Duterte ay naiinis na rin sa mga tumatanggi pa ring magpabakuna sa kabila ng pagkakaroon na ng maraming supply ng COVID vaccine.

Sinabi ni Roque na patuloy namang makakatanggap ng tulong sa frontline at emergency services ang publiko bakunado man o hindi ang mga ito.

“Frontline and emergency services, on the other hand, shall continue to render assistance to all persons, regardless of vaccination status,” dagdag ni Roque.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?