9

Oct 7, 2020 @ 17:49
By

Roque hindi apektado sa mga meme niya

Sa halip na mainis ay natuwa pa si Presidential Spokesman Harry Roque sa mga meme nito na nagkalat sa social media kung saan ginawa itong katatawanan ng mga netizen.

Sinabi ni Roque na natutuwa siyang kahit papaano ay nakapagbibigay siya ng aliw sa publiko sa panahon ng pandemya.

Kailangan aniyang magkaroon ng konting aliw sa harap ng dinaranas na sakripisyo ng maraming Pilipino dahil sa epekto ng COVID pandemic.

“Sa panahon ng pandemya eh natutuwa ako na kahit papaano meron tayong kontribusyon para maaliw ang ating mga kababayan,” ani Roque.

Batay sa viral memes ng kalihim sa Facebook, makikita ang kanyang larawang nakadipa habang may suot na face mask at isinasama sa mga larawan kung saan maraming tao gaya ng laro sa basketball na nagre-referee, nakikipaglaro ng patintero, ala-Moses na hinati ang dagat, contest sa cheering squad at kasama rin sa The Avengers.

Sinabi ni Roque na ang paborito niyang meme ay ang larawang kasama ang Avengers dahil kamukha at kasing-katawan niya ang mga ito.

“Mas maganda ‘yung kasama ko ang mga Avengers. Kamukha din ako at kasing-katawan ng mga Avengers,” dagdag ni Roque.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?