75

May 4, 2021 @ 17:44
By

Roque: Duterte handang alisin lockdown

Inanunsyo ni presidential spokesperson Harry Roque nitong Martes, Mayo 4, na handa umanong paluwagin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga quarantine restriction sakaling bumaba ang mga kaso ng COVID-19 sa bansa.

Sa isang online press conference, sinabi ni Roque na bukod sa pagbaba ng mga bagong kaso ng virus, ilan pa sa mga kondisyon ng pangulo para paluwagin ang mga quarantine restriction ay ang pagdami ng mga Pilipinong nabakunahan kontra COVID at pagdagdag ng mga ICU beds sa mga ospital.

“Ang ibig sabihin po ni Presidente, ‘pag marami-rami na ang nabakunahan at ‘pag napadami na natin iyong ating mga ICU beds lalung-lalo na at napakita natin na napababa na natin iyong pagkalat ng virus ay pupuwede na po talaga tayong magbukas muli ng ating ekonomiya,” saad ni Roque.

Sa kasalukuyan ay nasa ilalim ng modified enhanced community quarantine (MECQ) ang Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, Rizal, Quirino, Abra, Ifugao at Santiago City, Isabela. Ang MECQ sa nasabing mga lugar ay epektibo hanggang Mayo 14.

Sa ilalim ng MECQ ay 10-percent seating capacity lamang ang pinapayagang mag-dine in sa mga restaurants at iba pang food establishments. Samantalang 30% naman ang pinapayagang makapasok sa mga beauty salon, parlor, barbershop at nail spa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?