21

Jan 14, 2021 @ 17:15
By

Roque: Chinese vaccine, pang-“BFF” price, hindi mahal!

Presyong kaibigan ang halaga ng mga COVID vaccine na bibilhin ng gobyerno sa China, partikular sa Sinovac.

Ito ang inihayag ni Presidential Spokesman Harry Roque upang kontrahin at pabulaanan ang kumakalat sa social media na ang Sinovac ang pinaka-mahal na bakuna.

Sinabi ni Roque na nabigyan ang Pilipinas ng espesyal na presyo ng China kaya makakaasa ang sambayanan na hindi mahal ang bibilhing bakuna

“I can assure you, nabigyan po tayo ng presyo na ukol lamang sa kanilang BFF. Hindi po pinakamahal ang Sinovac,” ani Roque.

Sinabi ng kalihim na pangatlong pinakamahal lang ang Sinovac mula sa anim na brands, na aniya ay mid-range lamang ang presyo.

Binigyang-diin ni Roque na ang China ay hindi kapitalistang bansa kaya ang kanilang presyo ay hindi nakabatay sa market forces at maaari silang magtakda ng fixed price sa kanilang mga produkto.

“Kung hindi ako nagkamali, pangatlong pinakamahal lang po ang Sinovac out of six brands–so it is in the mid-range,” dagdag ni Roque.

Kagagawan aniya ng oposisyon ang ipinapakalat na mataas na presyo ng Sinovac para siraan ang gobyerno sa halip na tumulong para sa kaligtasan at kalusugan ng sambayanan.

“Hindi po pinakamahal ang Sinovac, paninira lang po ng oposisyon yan. Wala pong katuturan iyang nginangawa ng mga kritiko na napakamahal daw ang Sinovac,” wika pa ni Roque.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?