48

Oct 12, 2021 @ 19:31
By

Roque bumuwelta sa batikos ng NUJP

Nanindigan si Presidential Spokesman Harry Roque na buhay ang demokrasya sa bansa at walang basehan ang ipinagpipilitan ng mga kritiko na sinisikil ang kalayaan ng mga mamamahayag sa bansa.

Kasunod ito ng tila malamig umanong pagtanggap ng gobyerno sa parangal na ibinigay kay Maria Ressa, partikular ang Nobel Peace Prize Award nito.

Sinabi ni Roque na dapat igalang ang pananaw ng bawat isa sa halip na ipagpilitan ang paniwalang sinupil ng Duterte administration ang mga mamamahayag partikular ang media.

“The Philippines is a democratic society and every view, regardless of affiliation, must be accorded with respect,” ani Roque.

Nauna rito naglabas ng pahayag ang National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) na hindi totoong human rights lawyer si Roque at sa halip ay pinagbintangan pa umano ang media na siyang naghahanap ng dahilan para umano sila pagbantaan o gipitin ng pamahalaan.

Sinabi ni Roque na binati ng Palasyo si Ressa subalit sinusuportahan ang pananaw ni National Artist F. Sionil Jose na walang censorship sa press freedom sa kasalukuyang administrasyon.

“We regard F. Sionil Jose’s opinion as the better view of state of press freedom in the country,” dagdag ni Roque.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?